Ilang araw bago ang coronation ng Binibining Pilipinas 2021, hindi mapigilan ni Vickie Rushton na mag-post ng ilang “picture memories” niya sa naturang malaking local pageant.
Ito’y sa kabila ng naging kumpirmasyon sa nagdaang Independence Day celebration na natuldukan na ang kanyang pangarap sa mundo ng beauty pageant.
Target sana ng half British beauty mula Negros Occidental na masungkit ang Binibining Pilipinas-International title sa grand coronation sa darating na July 11 ngunit lagpas na sa requirement age na 18 to 28 years old.
Si Rushton ay kilalang beteranang “binibini” candidate repeater kung saan taong 2018 ay hinirang siyang first runner-up sa Binibining Pilipinas, at nakapasok sa Top 15 sa sumunod na taon. Naging Mutya ng Pilipinas naman siya noong 2011.
Matatandaang ilang beses nang na-postpone ang Binibining Pilipinas bunsod ng coronavirus pandemic.
Wala pa namang say ang beauty queen sa pahayag ng aktor at kanyang long time boyfriend na si Jason Abalos, na ito na ang tamang panahon para bumuo na sila ng sariling pamilya sa Nueva Ecija.
“Talagang hinayaan ko siyang lumarga, gawin niya lahat ng gusto niya habang dalaga pa siya so ngayon, siguro panahon na para bumuo ng pamilya,” wika ni Abalos.