Nahaharap si Pasig City Mayor Vico Sotto at tatlo pang opisyal ng lungsod sa reklamong graft at paglabag sa Government Procurement Reform Act dahil sa umano’y hindi naipamahagi na cash allowance para sa mga empleyado ng Pasig City Hall.
Sa 28-paged na reklamong inihain sa Office of the Ombudsman noong Hulyo 30, 2024, inakusahan ng residente ng Pasig na si Michelle Prudencio sina Sotto, Human Resources Development Office head Elvira Flores, City Administrator Jeronimo Manzanero, at Bids and Awards Committee head Josephine Bagaoisan ng hindi ipamahagi ang P1,500 allowance sa mga empleyado ng Pasig City Hall para sa ika-451 na “Araw ng Pasig” sa Hulyo 2, 2024.
Nakasaad pa sa reklamo na sa halip na cash allowance, binigyan daw ang mga empleyado ng commemorative t-shirts na nakuha umano nang walang maayos na procurement process.
Una nang naglabas si Sotto ng Executive Order (EO) No. 28 na may petsang Hunyo 27 kung saan sinasabing may inilabas na allowance para makuha/mabili ang commemorative shirts para sa 2024 Araw ng Pasig celebration.
Nakasaad din sa EO na ipinaalam sa mga empleyado ng Pasig City Hall ang iskedyul ng pagpapalabas at pamamahagi ng mga t-shirt noong Hunyo 28 at 29.
Gayunpaman, sa unang nakatakdang pamamahagi ng mga t-shirt, walang ibinigay na cash allowance.
Iba pang mga reklamo ang isinampa laban kay Sotto at dalawa pang opisyal ng lungsod dahil sa umano’y iligal na pagbibigay ng diskwento sa isang telecommunications provider.
Sinabi naman ni Sotto na ang pagsasampa ng mga reklamo laban sa kanya ay bahagi ng dirty tactics ng ilang political groups.