LAOAG CITY – Dinumog ng maraming fans ang isinagawang Victory Parade ng Denver Nuggets matapos magkampeon sa NBA ngayong taon.
Ayon kay Bombo International News Correspondent Tom Mastrili mula Denver, Colorado, halos hindi mahulugan ng karayom ang lugar dahil sa dami ng tao at tumagal ang parada ng mahigit isang oras at pagkatapos ay may seremonya kung saan ipinakita ang trophy at ipinakilala ang mga players.
Inihayag nito na kagabi pa lamang ay marami na ang tao at naglagay na rin ng mga pulis ng mga barikada para maging payapa ang lugar.
Kabilang sa mga nagpatupad ng seguridad ay ang mga kasapi ng Swat Team, Bomb squad, K9 at maraming pang iba para hindi maulit ang nangyaring pamamaril.
Sinabi nito na may mga tao ring hindi na muna pumasok sa trabaho at paaralan dahil gusto nilang dumalo sa parada at dalawang oras ring nagsara ang mga kainan sa nasabing lungsod.
Aniya, dumalo rin sa selebrasyon ang mga matataas na opsiyal ng estado kahit pa makulimlim ang lugar habang isinasagawa ang parada.