-- Advertisements --
image 250

Hawak ng mga otoridad ang isang video footage na nagpapakita ng aktwal na banggaan ng isang bus at isang semi-trailer truck sa Manitoba, Canada.

Ito ay matapos na marekober ng pulisya ang camera na nakakabit sa naturang truck.

Ayon Royal Canadian Mounted Police Superintendent Rob Lasson, kita sa naturang video na pumasok ang bus sa daanang tinatahak ng tractor-trailer na nasa tamang daan.

Ngunit kaugnay nito ay nilinaw ni Lasson na hanggang sa kasalukuyan ay wala pa rin itong itinuturong salarin sa naturang insidente sa kabila ng naturang ebidensya.

Sa ngayon kasi ay nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad upang alamin ang tunay na sanhi ng nangyaring aksidente.

Kung maaalala, aabot sa 15 indibidwal ang patay habang 10 naman ang sugatan sa naging karambola ng truck at bus sa Manitoba, Canada matapos na sumalpok ang isang semi-trailer truck sa isang mini bus na mayroong sakay na 25 pasahero at karamihan sa mga ito ay pawang mga nakatatanda.

Kapwa parehong nakaligtas ang mga driver ng dalawang sasakyan ngunit pareho rin tumanggi ang mga ito na ituro kung sino ba ang responsable sa nangyaring aksidente.

Samantala, hindi naman makapaniwala si Canadian Prime Minister Justin Trudeau sa trahedyang ito kasabay ng kaniyang pagpapaabot ng pakikiramay sa mga nawalan ng mga mahal sa buhay at mga nasaktan at naapektuhan ng insidenteng ito.

Kaugnay nito ay ibinaba naman ang bandila ng Canada sa Manitoba bilang simbolo ng pagluluksa nang dahil sa pagkasawi ng naturang mga biktima.