Kumalat ngayon sa internet ang ilang video na nagpapakita na ilang ospital sa Wuhan City sa China na punong puno ng mga pasyente na nagkasakit dahil sa n-coronavirus.
Makikita sa video na hindi na maasikaso ng mga medical staff ang pila-pila na mga pasyente.
Maririnig din ang pagsisigaw ng ilang staff sa Wuhan dialect o Mandarin na pinagsasabihan ang mga pasyente at pumila ng maayos.
Isa pang video ang kumalat sa social media na nagpapakita na ilang mga medical facilities ay naglagay na lamang ng mga tents sa labas upang magkasya ang mga pasyente.
Sa ngayon nasa 26 na ang naitalang patay at halos 900 na ang mga nakumpirmang kinapitan ng Wuhan coronavirus.
Nasa 35 mga syudad at probinsiya sa China ang nagkaroon ng kaso ng novel-coronavirus.
Ito ay liban pa sa ilang mga bansa na kumpirmadong may kaso ng misteryosong sakit.
Nasa 30 milyon residente na rin sa China mula sa siyam na mga syudad ang inilagay sa emergency travel restrictions upang mapigilan ang pagkalat ng coronavirus.
Ang enggrandeng selebrasyon ng Chinese new year sa Beijing at iba pang siyudad ay kinansela na.
Ang operasyon ng sikat na Shanghai Disney ay pansamantala munang isinara dahil sa takot sa outbreak ng sakit.
Sa Macao ang mga eskwelahan doon ay na-shutdown muna.
Sa Hong Kong naman, nagkakaubusahan ng face masks sa mga tindahan dahil sa panic ng mga tao.