-- Advertisements --

Patuloy na dumarami ang umaalma sa kumalat na video na nagpapakita ng backhoe na sumisira sa mga coral at bato sa Barangay Virgen, Anda, Bohol.

Partikular na naglahad ng galit ang residente at environmental advocates.

Ipinapakita sa video ang heavy equipment na ginamit sa mababaw na bahagi ng tubig na diumano’y sumira ng mga buhay na coral at natural formations ng bato.

Ayon kay Atty. Makdo Castañares, ang naturang aksyon ay ilegal at maaaring lumabag sa mga batas pangkalikasan tulad ng National Integrated Protected Areas System (NIPAS) Act.

Binatikos niya ang insidente bilang isang pag-atake sa natural na pamana ng probinsya, na kilala sa malinis na mga dalampasigan at makulay na marine ecosystem.

Nananawagan ang mga grupo na agarang imbestigahan ng DENR at lokal na pamahalaan ang insidente, kilalanin ang may pananagutan, at papanagutin ang mga ito.

Binigyang-diin ni Castañares na ang kalikasan ng Bohol ay mahalagang bahagi ng pagkakakilanlan at kinabukasan ng probinsya kaya’t nararapat itong protektahan.

Wala pa namang inilalabas na pahayag ang mga opisyal mula sa nabanggit na lugar.