Nakatakdang bumisita sa Pilipinas sa araw ng Biyernes, Aug 30, si Vietnamese Defense Minister Gen. Phan Van Giang.
Ito ay upang pirmahan ang Defense Cooperation Agreement sa pagitan ng dalawang bansa na inaasahang magpapalakas sa military capability ng mga ito.
Sa pagbisita ni Giang sa Pilipinas, inaasahang mag-uusap sila ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto Teodoro Jr. upang talakayin ang iba pang aspeto ng defense at military cooperation sa pagitan ng Pilipinas at Vietnam.
Sa kasalukuyan, ang Vietnam at Pilipinas ay nasa gitna ng away-teritoryo sa West Phil Sea.
Ang dalawang bansa ay kapwa umaangkin sa ilang mga maritime feature sa naturang karagatan na kinabibilangan ng mga islang bahagi ng Spratly Islands.
Gayunpaman, nananatiling maayos ang relasyon ng dalawang bansa kasunod na rin ng ilang serye ng mga joint exercise na sinalihan ng coast guard at navy ng dalawang bansa.
Pinakahuli dito ay ang joint drill noong unang linggo ng Agosto na sinalihan ng mga coast guard personnel at sumalang sa firefighting, rescue, at medical simulation.