Pinaplano ng Vietnam government na isailalim sa COVID-19 testing ang lahat ng mamamayan ng Ho Chi Minh City kasunod ng panibagong covid outbreak dahil sa natuklasang hybrid variant sa bansa.
Iniuugnay sa isang religious mission ang bagong outbreak sa Ho Chi Minh City kung saan nasa 125 ang naitalang positibong kaso at itinuturong pinagmulan ng karamihan sa mga infections sa lungsod.
Nito lamang lingggo, nagbabala ang mga opisyal sa bagong mapanganib na hybrid variant na nadiskubre sa Vietnam na kombinasyon ng features ng variants na unang natukoy sa India at UK, dahil mas madaling maihawa ito sa pamamagitan ng air transmission.
Target ng siyudad na isailalim sa COVID testing ang natitirang 13 milyong indibidwal.
Posibleng abutin naman ng apat na buwan bago makumpleto ang pagsusuri sa lahat ng mamamayan ng lungsod batay sa testing rate na 100,000 katao kada araw.
Maliban dito, inanunsiyo rin ng mga opisyal ang bagong social distancing measures na ipaiiral sa buong siyudad na magtatagal ng 15 araw simula Mayo 31.
Sa ngayon, sarado ang mga restaurants at shops sa lungsod at suspendido na rin ang mga religious activities.
Ipinagbawal din ang pagdaraos ng mga okasyon sa puliko ng may mahigit sampung katao.
Sa kabuuan, nakapagtala ng mahigit 7,000 infections at 47 nasawi sa kanilang bansa.