Nakahanda ang Vietnam na makipagdayalogo sa Pilipinas para makabalangkas ng mga hakbangin na alinsunod sa interes ng dalawang bansa.
Ito ay matapos na pormal na maghain noong nakalipas na linggo ang panig ng Pilipinas sa United Nation ng entitlement claim para sa extended continental shelf sa pinag-aagawang karagatan na pinaniniwalaang mayaman sa oil at natural gas deposits at mga isda.
Sa isang statement naman, sinabi ni Vietnam Foreign Ministry spokesperson Pham Thu Hang na muling pinagtitibay ng Vietnam ang kanilang soberaniya alinsunod sa international law sa usapin sa Hoang Sa o tinatawag ding Paracel archipelago at Truong Sa island o tinatawag na Spratly islands kung saan claimant din ang Pilipinas.
Sinabi din nito na dapat irespeto ng isang coastal states ang lehitimong karapatan at interes ng ibang kaugnay na coastal states na may opposite o adjacent coastlines sa pagsusumite ng kanilang claim para sa outer continental shelf boundaries.
Ang Vietnam at Pilipinas nga ay kabilang sa mga claimants sa mga parte ng pinag-aagawang teritoryo kung saan halos lahat ng bahagi nito ay inaangkin ng China.