HANOI – Umapela ngayon ng paglilinaw ang Vietnam sa kung paano lumubog ang isang fishing boat sa bahagi ng pinagtatalunang West Philippine Sea.
Ito’y ilang araw matapos sabihin ng local rescue agency na binangga raw ang nasabing bangka ng isang Chinese vessel.
Ayon sa Vietnamese Foreign Ministry, nililinaw na raw ng mga otoridad kung ano ang sanhi ng insidente.
Nitong Miyerkules nang lumubog ang bangka malapit sa Da Loi island sa Paracel Archipelago.
Nailigtas naman umano lahat ng limang mangingisdang sakay nito ng isa pang fishing boat galing Vietnam.
Sa pagsisiyasat ng national search and rescue agency ng Vietnam, binangga at pinalubog daw ng isang Chinese vessel ang naturang bangka.
Hindi naman nito binanggit kung ito ay civilian o military.
Depensa naman ng Chinese Foreign Ministry, lumubog na raw ang barko nang lumapit ang Chinese vessel, na siya ring nagligtas sa mga sakay nitong mangingisda.
Inaangkin ng China ang 90 porsyento ng West Philippine Sea, na dahan-dahang nagpapalawig ng kanilang military at iba pang mga installations sa mga artificial islands at reefs. (Reuters)