Iprinotesta at kinondena ng Vietnam ang brutal na pag-atake ng China sa mga mangingisdang Vietnamese na ikinasugat ng ilan sa mga ito habang nasa disputed waters.
Sa isang statement, sinabi ng Vietnamese foreign ministry na pinagpapalo ng Chinese law enforcers ng iron bar o baras na bakal ang mangingisdang Vietnamese at ninakawan pa ng libu-libong dolyares na halaga ng mga isda at fishing boats noong Linggo, Setyembre 29 na nagooperate malapit sa Hoang Sa archipelago ng Vietnam o Paracel Islands na mayaman sa yamang dagat at itinuturing bilang global maritime waterway kung saan may dispute ang China, Vietnam, Taiwan, Malaysia, Brunei maging ang Pilipinas.
Ayon kay Vietnam Foreign Ministry spokesperson Pham Thu Hang na ang mga aksiyon ng Chinese forces ay seryosong lumabag sa soberaniya ng Vietnam sa naturang archipelago.
Kaugnay nito, nagpaabot ng matinding pagprotesta ang Vietnam Foreign Ministry sa Chinese Embassy sa Hanoi na nagdedemand sa China na respetuhin ang kanilang soberaniya, imbestigahan ang insidente at itigil ang naturang bayolenteng aksiyon.
Una ng ikinatwiran ng Chinese Foreign Ministry na ilegal umanong nangisda ang mga Vietnamese sa katubigan ng Paracel nang walang permiso mula sa gobyerno ng China at gumawa lamang umano ng mga hakbang ang Chinese authorities para pigilan sila. Isinagawa din umano nila ng propesyunal at may pagpipigil ang naturang operasyon at wala umanong nakitang nasugatan sa insidente.
Subalit una ng napaulat na 4 sa Vietnamese crew ang dinala sa ospital noong Lunes pagkadating ng mga ito sa Quang Ngai port, matapos silang atakehin ng nasa 40 katao na tumagal umano ng 3 oras.