-- Advertisements --
Sinintensyahan ng 10 taong pagkakakulong ang pinuno ng Hanoi Center for Disease Control and Prevention sa Vietnam matapos mapatunayang nagkasala kaugnay sa pagbili ng mga kagamitan para sa COVID-19 response ng bansa.
Sa pahayag ng Ministry of Public Security, sinobrahan umano ni Nguyen Nhat Cam, 57, ang presyo ng COVID-19 testing systems sa isang transaksyon, kaya nalugi ang gobyerno ng 5.4 billion dong ($233,483).
Dahil aniya sa ginawa ni Cam at ng kanyang mga kasabwat, negatibo raw itong maaapektuhan ang imahe ng mga doktor at ang anti-COVID-19 agency.
Maliban kay Cam, siyam na iba pa ang sinintensyahan ng tatlo hanggang anim at kalahating taong pagkakabilanggo para sa kanilang papel sa isyu. (Reuters)