Maghahain umano ng panibagong reklamo ang Vietman sa China kasunod ng nangyaring tensyon sa pagitan ng dalawang bansa sa bahagi ng pinagtatalunang South China Sea.
Ito ay ayon kay Vietnamese Prime Minister Nguyen Xuan Phuc, na nauna nang naghayag ng pagkabahala sa mga aktibidad na ginagawa ng China malapit sa pinagtatalunang mga teritoryo.
Bago ito, nagkaroon ng standoff sa pagitan ng China at Vietnam matapos na lumapit ang isang Chinese survey ship sa exclusive economic zone (EEZ) ng Vietnam.
Sa pahayag ng Vietnamese government, minamanmanan na nila noon pang nakaraang buwan ang Haiyang Dizhi 8 ng China na nagsasagawa ng seismic survey sa lugar.
Bunsod nito ay nagpadala ng karagdagang puwersa ang Vietnam malapit sa Chinese vessel.
Nangyari ang standoff sa layong 102 kilometers (63 miles) Timog-Silangan ng Phu Quy island na sakop ng EEZ ng Vietnam.
Mayroon ding apat na barkong escort ang survey ship ng China.
Una nang sinabi ng Australia at US na nagpaplano raw ang China na magsagawa ng oil exploration sa ilang mga isla sa South China Sea kung saan kabilang ilang mga bansa sa mga claimant-countries.