Nais baguhin ni House Deputy Speaker Lray Villafuerte ang nilalaman ng 2020 General Appropriations Bill (GAB), ayon kay House Appropriations Committee chairman Isidro Ungab.
Ito aniya ang dahilan kung bakit pinababawi ni Villafuerte ang panukala para sa 2020 proposed P4.1-trillion national budget sa first reading sa plenaryo ng Kamara noong Agosto 28.
Nakikialam aniya si Villafuerte sa budget process sapagkat may nais itong isingit sa perang gugulungin ng pamahalaan para sa susunod na taon.
Nauna nang sinabi ni Villafuerte na kaya niya pinababawi ang GAB sa plenaryo ng Kamara sapagkat hindi pa tapos ang briefing ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa Kamara.
Kasabay nito ay nagbabala si Ungab sa posibilidad na maantala ang approval ng budget dahil kakailanganin uli ng appropriations committee na talakayin ulit ang panukalang pondo para sa susunod na taon.