-- Advertisements --

Aminado si Senate committee on labor chairman Sen. Joel Villanueva na mayroon siyang sama ng loob sa Duterte administration matapos ma-veto ng Pangulong Rodrigo Duterte ang Security of Tenure Bill o Anti-Endo Bill.

Ipinaliwanag ni Villanueva na dugo’t pawis sa loob ng tatlong taon ang kanilang ibinuhos sa pagdinig sa Senado para maisulong lamang ang priority bills ng Pangulo para na rin sa kapakanan ng mga manggagawa.

Iginiit pa ng senador na wala silang narinig na pagtutol mula sa Department of Labor and Employment (DOLE) at ilang ahensya sa loob ng tatlong taon na sa pag-aakala ni Villanueva na tuloy-tuloy na ang pagsasabatas ng bill makaraang maipasa sa dalawang kapulungan ng Kongreso at lagda na lamang sana ng chief executive ang kulang subalit na-veto pa ito.

Hindi naman nababahala si Villanueva na matutulad sya kay Sen. Richard Gordon na binatikos ng Pangulo matapos na magpahayag ng pagpuna sa pagtatalaga ng pangulo sa mga retired generals bilang mga kalihim at pinuno ng mga tanggapan sa gobyerno.