-- Advertisements --
Sen Cynthia Villar
Sen Cynthia Villar

Nilinaw ng nangungunang kandidato sa bilangan na si reelectionist Sen. Cynthia Villar na hindi siya interesado sa mas mataas pang posisyon sa gobyerno.

Reaksyon ito ni Villar, bunsod na rin ng pananaw ng ilang political analyst na karaniwang tumatakbong presidente o kaya bise presidente ang mga nangunguna sa senatorial race.

Sinabi ng mambabatas sa panayam ng Bombo Radyo na mas gusto niyang tutukan ang mga trabahong may kinalaman sa agrikultura, hanap buhay at kalikasan kaya sa tingin niya ay mas bagay na manatili siya sa Senado.

Giit ni Villar kahit i-offer sa kaniya ang pagiging pinuno ng Senado ay hindi niya ito prioridad.

Nagpasalamat naman ito sa naging buhos ng suporta sa katatapos na eleksyon.

“Hindi pa po tapos ang bilangan pero natutuwa po ako at nagpapasalamat dahil marami sa ating kababayan ang sumusuporta at naniniwala na isa ako sa mga Senador na makakatulong sa kanila,” wika ni Villar.

Sa kabila nito, hindi inaalis ng political analyst at executive director ng Institute for Political and Electoral Reform (IPER) na si Prof. Mon Casiple ang posibilidad na bago ang 2022 elections ay magbago ang isip ni Villar na lumahok sa presidential race.