LEGAZPI CITY- Nai-turnover na ng Daraga Municipal Police Station sa Camp BGen Simeon Ola ang nakuhang vintage bomb sa Yawa River sa bahagi ng Brgy. Binitayan, Daraga, Albay.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Pol. Lt. Col. Rodelon Betita, hepe ng Daraga PNP, ipinarating ng isang concerned citizen ang naturang bomba matapos na makitang nakalublob sa ilog.
Tinatayang nasa 1,000 pounds o higit 400 kilo ang bigat ng bomba may habang isang metro habang 40 pulgada naman ang laki.
Ayon sa hepe, posibleng may kapasidad pa ang bomba na sumabog.
Hindi naman inaalis ng opisyal ang posibilidad na mayroon pang ibang bomba na nasa lugar kaya’t pinag-iingat ang publiko at agad na ipaalam sa mga otoridad kung muling makakita ng kahalintulad na bagay.
Matatandaan na isang buwan lamang ang nakakalipas nang matuklasan rin ang isang maliit na vintage bomb sa lugar na sinusuri na rin ng Explosive and Ordnance Division (EOD) Team.