LEGAZPI CITY – Itinuturing na malaking kawalan sa pagtaya ng mga data ng PAGASA-DOST ang pagkapinsala ng dish na nagtatanggap at nagta-transmit ng mga impormasyon sa doppler radar ng Virac, Catanduanes.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PAGASA DOST-Legazpi Weather Specialist Michael Francisco, ang naturang dish ang responsable sa pagtanggap ng data sa bagsak ng ulan, direksyon ng hangin at maging ng precipitation upang maanalisa ang weather system.
Nakakaya nitong makaabot hanggang sa distansyang 400 kilometers kaya madaling mabasa ang direksyon tuwing may bagyo.
Nabatid na napo-protektahan ito ng dome, subalit una nang nasira ang naturang shield.
Aminado rin si Francisco na matatagalan pa ang pagbabalik ng ekipahe na mula pa sa Japan subalit nakapag request na.