Kinumpirma mismo ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) na isang lumang video ang kumakalat sa mga social media platforms kung saan makikita ang isang HPG personnel na nangingikil sa isang motorista.
Paglilinaw ni PNP-HPG Spokesperson Lt. Dame Malang, ang viral video ay naganap noong taong 2018 kung saan naireport sa kanilang tanggapan na nahuli ang naturang personnel sa bahagi ng Pasay City na nangongotong sa mga motorista.
Ani Malang, matagal nang nasibak sa pwesto ang tauhan na nasa video at isang pagpapakalat ng maling impormasyon ang muling paguupload ng naturang video sa mga social media platforms.
Kaugnay nito ay nakikipagugnayan na rin si BGen. Eleazar Matta sa PNP-Anti-Cybercrime Group para mahuli ang apat na personalidad sa likod ng mga facebook pages na pinagmulan ng mga video.
Samantala, nanawagan naman ang hanay ng PNP-HPG yunit na huwag sanang agad paniwalan ang mga nakikita at naririnig nito sa social media at ugalin rin ang muling pagbeberipika ng mga impormasyon nakakalap sa mga platforms na ito.