KALIBO, Aklan — Nilinaw ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) na nagbarang tubig-ulan ang sinasabing maitim na tubig na lumalabas sa isang tubo na direktang dumadaloy sa frontbeach sa Sitio Bulabog, Barangay Balabag sa Boracay.
Ayon kay TIEZA assistant Chief Operating Officer Engr. Nestor Domalanta, tinakpan na nila ang tubo na umano’y temporary spillway o labasan ng tubig upang hindi bahain ang nasabing lugar.
Kasunod ito ng nag-viral na video kung saan namataan ang isang tubo na naglalabas ng maitim na likido sa dagat.
Samantala, sinabi ni Department of Environment and Natural Resources Undersecretary Benny Antiporda na walang “coliform” ang naturang tubig batay sa isinagawang tests.
Nabatid na ipinasara ang isla noong Abril 2018 matapos bansagan ni Pangulong Rodrigo Duterte na “cesspool” o parang poso-negro ang Boracay at ipinag-utos ang anim na buwang rehabilitasyon.