Iniimbestigahan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang isang video na kumalat online kung saan naniningil umano ang isang airport taxi driver sa mga pasahero ng aabot sa P11,000.
Makikita sa video na nai-post online na ang isang lalaking nakaupo sa tabi ng taxi driver ay naglabas ng laminated card na may nakalagay na airport-accredited regular taxi service meter rate na may kasama pang logo ng Department of Tourism.
Base sa meter rate, ang halaga ng papunta sa Terminal 1 ay P11,500 habang ang papunta sa Terminal 2 ay P12,000, sa Terminal 3 ay nagkakahalaga ng P13,500 at sa Terminal 4 naman ay P10,300.
Ayon sa netizen, sinabihan ng isang security guard ang dalawang pasahero na walang shuttle bus na papunta sa Terminal 4 kayat idinirekta nito ang mga pasahero sa taxi driver. Kung saan pinagbabayad umano sila ng driver ng tig-P10,000 at ni-lock pa ang taxi hanggang sa mabayaran ito.
Kalaunan, tinanggap naman ng driver ang P5,000 na bayad ng mga pasahero matapos sabihin sa kanya na ito lang ang cash na hawak nila.
Sa panig naman ng LTFRB, sinabi ni Spokesperson Celine Pialago na sinusuri na ngayon ng board ang authenticity ng naturang video.
Iginiit naman ng opisyal na gagawin nila ang kaukulang mga hakbang upang matiyak na ang mga operator at taxi driver na napatunayang may pananagutan ay papatawan ng kaukulang sanction.