-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Mariing pinabulaanan ng Southern Isabela Medical Center (SIMC) sa Santiago City ang kumalat na video ng umano’y pagtakas ng nagpositibo sa COVID 19.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Ildefonso Costales, medical center chief ng SIMC, sinabi niyang fake news ang nasabing video dahil hindi naman nila pinapayagang makalabas ang nasabing pasyente sa isolation ward kung saan siya naka-quarantine.

Komportable aniya ang pasyente dahil ibinibigay ng ospital ang lahat ng kanyang pangangailangan.

Hindi anya alam ni Costales kung saan nanggaling ang fake news sa umano’y pagtakas ng pasyente dahil bantay-sarado ang entrance at exit ng ospital.

Puwede aniyang tangkain ng pasyente na tumakas pero hindi siya makakalusot dahil 24/7 ang pagbabantay na mga pulis at guwardya sa SIMC.

Sinabi pa ng doktor na hindi nakasuot ng Personal Protective Equipment ang mga pasyente kundi ang mga health workers lamang ang nagsusuot nito.

Nanawagan naman siya sa mga mamamayan na huwag agad maniwala sa mga post sa social media.

Kailangan aniyang i-verify ito at huwag agad ikakalat para hindi magdulot ng pangamba.

Samantala, nauna nang kumalat ang umano’y video ng pagtakas ng nagpositibo sa virus na COVID 19 na kasalukuyang naka-quarantine sa Southern Isabela Medical Center.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo kay Barangay Kapitan Rodolfo Soriano ng Rosario, Santiago City na nakita nila ang isang post sa social media na kuha sa CCTV na may isang tao ang lumabas at nakasuot pa ymano ng PPE.

Ayon kay Soriano, hindi pa malinaw sa kanila kung paano siya nakalabas at muling nakapasok sa loob bagama’t nakita sa kuha ng CCTV na tuluyan nang nakalabas ang nasabing indibiduwal.