Bakas sa misis ng American actor na si Chadwick Boseman na sariwa pa rin ang pagpanaw nito, matapos ang anim na buwan.
Sa idinaos kasi na virtual Golden Globe Awards, ang biyuda ni Chadwick na si Taylor Simone Ledward ang tumanggap sa nasungkit nitong Best Actor in a Motion Picture (drama category) para sa pelikulang “Ma Rainey’s Black Bottom.”
Ayon kay Simon Boseman, marahil ay mas magiging makabuluhan ang thank you speech sa naturang parangal kung si Chadwick mismo ang magsasalita.
Si Chadwick Boseman na gumanap bilang “Black Panther” ay sumakabilang buhay Agosto noong nakaraang taon, sa edad na 43 matapos ang apat na taong pakikipaglaban sa sakit na colon cancer.
Samantala, kaugnay pa rin ng 78th Golden Globes, tinanghal na big winner bilang Best Picture ang American drama film na “Nomadland” at direktor din nito ang nagwagi.
Kabilang pa sa mga nanalo sa major categories ay ang “Borat Subsequent Moviefilm” bilang best picture (musical/comedy), “Soul” bilang Best Motion Picture (animated), “Hulk” actor na si Mark Ruffalo bilang Best Actor (limited series or motion picture made for TV), at iba pa.
Nabatid na kadalasang idinadaos ang Golden Globe tuwing Enero, pero naantala ngayong taon bunsod ng coronavirus pandemic.
Ang Golden Globes ang siyang kickoff ng awards season sa Hollywood kung saan ang mga nananalo rito ay sinasabing malaki rin ang tiyansa na maging big winner sa Oscar Awards.