-- Advertisements --

Isinasapinal na lamang ng anak ni Claire dela Fuente ang pinaplanong virtual wake para sa kanyang ina na isang music icon.

Ayon kay Gregorio “Gigo” de Guzman, ito’y para sa mga nais na makapagbigay-pugay pa rin na mga taga-hanga at kaibigan ng tinaguriang Jukebox Queen.

Kahapon ng umaga nang sumakabilang buhay ang “Sayang” hitmaker sa edad na 62 matapos inatake sa puso at na-diagnose rin na positibo sa coronavirus.

Nabatid na positibo rin sa deadly virus si Gigo kaya hindi siya masyadong makalapit sa ina noong mga huling sandali sa bahay bago isugod sa ospital.

Kung maaalala, isa si Gigo sa mga naugnay ang pangalan sa pagkamatay ng flight attendant na si Christine Dacera.

Namayagpag ang karera ni Dela Fuente noong dekada ’70 at ’80 kasama ang mga kasabayang sina Imelda Papin at Eva Eugenio.

Siya rin ang nagmamay-ari ng Philippine Corinthian Liner Corp. bus company at ilang sea food restaurant.