-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Isinusulong ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) na bayaran ng “hazard pay” ang mga crew ng eroplano na sinakyan ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) mula sa Wuhan na siyang epicenter ng coronavirus outbreak sa China.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay TUCP Party-list Representative Raymond Mendoza, kinilala nito ang matagumpay na pagsundo ng mga opisyal ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Health sa 32 OFW na nasa quarantine area na ngayon sa New Clark City sa Capas, Tarlac.

Pinuri nito ang piloto, cabin crew at mga opisyal ng pamahalaan, na sumabak sa delikadong misyon dahil sa banta ng novel coronavirus.

Nabatid na ang mga miyembro ng DFA at limang medical personnel ay kinabibilangan ng dalawang doktor, dalawang nurse at isang medical technologist na isinailalim din sa quarantine.

Aniya, nararapat lamang na bayaran ang hazard pay ng piloto, crew at mga opisyal habang sila ay sumasailalim sa quarantine.

Nanawagan din ito sa Department of Labor and Employment na bigyan ng trabaho ang mga Pinoy na umuwi galing China dahil mahirap na mawalan ng income.