LEGAZPI CITY – Pinawi ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Bicol ang pangamba ng publiko kaugnay sa bagong napaulat na virus na tumama sa mga tilapia at hipon.
Ayun kay BFAR spokesperson Nonie Enolva sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na subalit hindi pa naaalis ang banta, sa kasalukuyan wala pang naitatalang kaso ng tilapia lake virus sa Bicol region.
Lumalabas sa pag-aaral ng mga eksperto na hindi naman naipapasa ng mga isda sa tao ang naturang virus pero nilinaw ng opisyal na kinakailangan pa rin na mag-ingat.
Dagdag pa ni Enolva na humingi na rin sila ng test samples ng mga isda na tinamaan ng naturang virus para mapag-aralan ang mga ito dahil sa dulot na massive mortality.
Napag-alaman na sa kasalukuyan regular rin ang disinfection sa mga fishponds sa rehiyon para makaiwas sa tilapia lake virus.