Nais ni Tourism Secretary Christina Frasco na tanggalin na ang ipianpatupad na visa quota sa mga Chinese nationals.
Ito ay matapos na makaranas mabagal na pagtaas ng tourist arrivals mula China mula Enero hanggang Marso ng kasalukuyang taon base sa data mula sa DOT.
Dahil dito, bumaba ang China sa ikapitong rangko mula sa dating ikalawang pinkamalaking market ng Pilipinas matapos na muling buksan ang borders kasabay ng pagluluwag ng mga restriksiyon sa covid-19 pandemic.
Sa isang statement, sinabi ng kalihim na dahil sa visa quota na ipinapatupad inaasahang nasa humigit kumulang $2.51 billion ang mawawalang revenue o kita sa pamahalaan kapag hindi agad na naresolba ang mga hamon sa pagkuha ng visa.
Ibinahagi din ni Frasco na ilang mg airline at charter operators na ang lumapit sa kanila upang idulog ang kanilang concern kaugnay sa visa quota.
Ayon kay Frasco, nasa 1.5 million visas para sa Chinese market ang naproseso ng Philippine foreign posts sa China noong 2019.
Subalit ibinunyag ni Frasco na idinulog ng ilang airlines na lumapit sa tanggapan na ang Philippine consular posts sa China ay naglabas ng visa application advisories na naglilimita sa tinatanggap na visa applications kada araw mula 60 hanggang 100 lamang.
Ang China ang second-largest source ng international visitors ng Pilipinas noong 2019 na nagresulta ng 1.7 million arrivals at P2.33 billion revenue sa sektor ng turismo.