Nakatakdang isailalim ng National Grid Corporation of the Philippines sa yellow alert status ang Visayas Grid mamayang gabi.
Sa abiso na inilabas ng naturang ahensya, mula alas-6:00pm hanggang alas-7:00pm ay ipapatupad nito ang yellow alert sa buong Visayas Grid sa kadahilanang hindi sumapat ang operating margin nito sa contingency requirement ng naturang transmission grid.
Aabot lamang kasi sa 2,681 megawatts ang available capacity ng Visayas Grid, habang ang demand naman nito ay inaasahang papalo sa 2,377 megawatts.
Bukod dito ay iniulat din ng NGCP na aabot na nasa 14 na mga powerplant na ang kasalukuyang nag forced outage mula Abril hanggang Mayo 2024, habang anim naman ang nananatiling operational ngunit nasa derated capacities.
Matatandaan na una nang sinabi ng Department of Energy asahan na madadagdagan pa ang mararanasang yellow at red alerts status sa mga transmission grid ng bansa sa susunod na mga linggo matapos na malampasan nito ang projected demand sa gitna ng nararanasang matinding init ng panahon nang dahil sa El Niño phenomenon.