-- Advertisements --

Nagpaabot ng pakikiramay ang Malacañang sa mga pamilya ng mga namatay matapos ang trahedya sa karagatang sakop ng Iloilo-Guimaras Strait noong Sabado dahil sa masamang lagay ng panahon.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, may posibilidad ding bisitahin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga pamilya ng mga nasawi.

Ayon kay Sec. Panelo, nanawagan sila sa mga otoridad na mas maging maingat sa pagbibigay ng permiso sa paglalalayag kapag masama ang panahon.

Dapat din aniyang doble ingat ang pagbabantay ng mga ito para matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero.

Napag-alamang batay sa pinakahuling report ng Philippine Coast Guard (PCG), umakyat na sa 31 katao ang nasawi sa tatlong magkakahiwalay na aksidente sa karagatang isinisisi sa nararanasang masungit na lagay ng panahon.

Samantala, kinalampag ni Marino Party-list Rep. Sandro Gonzales ang PCG at Maritime Industry Authority (MARINA) na magsagawa ng malaliman at impartial investigation sa nasabing trahedya.

Kasabay ng pagpapaabot ng kanyang pakikiramay, iginiit ni Gonzales na mahalagang matukoy ang naging ugat ng problema dahil maaaring nagkaroon ng mga paglabag sa protocols o hindi naging malinaw ang palitan ng impormasyon.

Halimbawa rito ang unang pagtaob aniya ng dalawang pump boats pero bakit pinahintulutan pa rin ang paglayag ng ikatlong bangka na kalaunan ay sinapit din ang mapait na kapalaran.

Ayon sa kongresista, dapat mayroong mapanagot para makapulot ng aral sa insidenteng ito.

Kaugnay nito, isinasapinal na raw nila sa ngayon ang Maritime Modernization Bill na inaasahang magreresolba sa mga problema sa maritime industry.

“The Philippines is a maritime nation and should have a maritime industry worthy of the skills of Filipinos,” ani Gonzales.

Sa kabilang dako, tiniyak ni PCG spokesperson Capt. Armand Balilo na ipinag-utos na ni PCG Commandant Admiral Elson Hermogino na imbestigahan ang pangyayari upang mabatid kung ito ba ay overloaded.

Katunayan ay nasa Iloilo City na ang grupo ng marine casualty investigators na pinadala ang Maritime Safety Services para pangunahan ang imbestigasyon.

Pero ayon kay Balilo, sa inisyal na report ay hindi overloaded ang pasahero ng tumaob na dalawang bangka.

Gayunman, aalamin din nila kung may mga pasahero na hindi nakalista sa manifesto kaya nagkaroon talaga ng problema.

Ngayong araw aniya nila target ma-account kung ilan talaga ang mga pasahero at ilan pa ang nawawala.

(with report from Bombo Dave Vincent Pasit and Bombo Analy Soberano)