Sinalakay ng mga tauhan ng Philippine National Police Anti-Cybercrime group ang hinihinalang Voice Phishing o Vishing den sa Imus Cavite.
Ayon kay PNP-ACG director Brig. Gen. Ronnie Francis Cariaga, nag-ugat ang operasyon matapos makatanggap ng kumpirmadong intel report kaugnay sa kalakaran ng online scamming sa vishing at scamming hub sa naturang lalawigan.
Paliwanag ni Cariaga na ang vishing scam ay isang fraudulent na gawain kung saan tumatawag ang mga nagpapanggap na bank representatives at kinukumbinsi ang kanilang biktima na i-update ang kanilang lumang card at ilahad ang detalye ng kanilang bank account gaya ng credit card numbers gayundin ang kanilang one-time pin.
Ginagamit umano ng mga suspek ang mga impormasyong kanilang nakuha mula sa credit card applications at ledgers o spreadsheets na nakuha mula sa third party service providers ng mga bangko gaya ng Business Process Outsourcing 9BPO) companies.
Ginagamit naman ng mga scammer ang naturang mga impormasyon para ma-access at makakulimbat ng pera mula sa kanilang mga biktima.
Bunsod nito, isinilbi ang search warrant na nagresulta sa pagkaaresto ng 19 na indibidwal kabilang ang 2 kilalang vloggers na may libu-libong followers.
Nakumpiska din ang samu’t saring mga kagamitan na ginagamit sa kanilang ilegal na aktibidad.
Kaugnay nito, kakasuhan naman ang lahat ng naarestong suspek ng paglabag sa Anti-Financial Account Scamming Act (AFASA) na nilagdaan lamang kamakailan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Gayundin sasampahan din ang mga ito ng hiwalay na kaso ng paglabag sa Access Devices Regulation Act of 1998 at Data Privacy Act of 2012 may kinalaman sa Cybercrime Prevention Act.