Papahintulutan na ang visita iglesia at prusisyon ngayong Holy Week matapos na ipagbawal sa nakalipas na dalawang taon dahil sa pandemiya.
Ayon kay Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) public affairs committee executive secretary Fr. Jerome Secillano, papayagan na ang publiko na makilahok sa mga aktibidad ng mga simbahan ngayong Semana Santa.
Isa sa mga aktibidad na ito ng simbahan ang pagsasagawa ng prusisyon at visita iglesia, recollections at salubong gayundin ang Way of the Cross.
Ang visita iglesia ay isang tradisyon ng Kristiyano na pagbisita sa pitong mga simbahan sa tuwing Holy Thursday at Good Friday para sa paggunita ng 14 stations of the cross.
Inirekomenda naman ng CBCP sa kasagsagan ng prusisyon ang paglalagay ng mga religious images sa motorized vehicles sa halip na magtulak ng caroza kung saan inilalagak ang imahe.
Gayundin paikliin daw ang ruta na iikutan ng prusisyon.
Subalit ayon sa CBCP ang paghalik at pagpunas sa imahe at paghahawak ng kamay sa kasagsagan ng misa ay ipinagbabawal pa rin para maiwasan ang hawaan ng COVID-19.