GENERAL SANTOS CITY- Hindi naging hadlang ang kapansanan ni Martsu Ressan Manibog-Ladia para makamit ang pangarap na maging isang ganap na abogado.
Napag-alaman na si Atty. Ladia na taga Alabel Sarangani Province ay isang Person with disability(PWD) kung saan mayroon itong tinatawag na retinopathy of prematurity o mayroon siyang visual impairment.
Kaya naman napakalaking challenge ito sa kanya dahil pinakikinggan lamang nito ang mga cases gamit ang isang software kung saan may robotic na boses na nagbabasa ng mga tanong sa pagsusulit.
Nagpapasalamat ito sa Korte Suprema sa pagpayag na gamitin ang kanyang screen reader kung saan mag-isa lang itong nag-exam sa isang kwarto.
Kaya laking tuwa nang may tumawag sa kanya na isa ito sa mga pumasa sa Bar Examination.
Nagtatalon at umiiyak naman ang kanyang ina ng malaman ang resulta.
Plano ngayon ni Atty. Ladia na maging isang litigation lawyer at makatulong sa mga nangangailangan.
Si Atty. Ladia ay nagtapos ng abogasiya sa Mindanao State University(MSU) General Santos City.