Kasong defamation at pakikiaalam sa pribadong buhay o invasion of privacy ang inihain sa Estados Unidos ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Mel Robles laban sa vlogger na si Claire Contreras, mas kilala sa tawag na Maharlika.
Sa press conference, sinabi ni GM Robles na ito ay para makamit ang hustisya at protektahan ang pangalan ng kanilang pamilya.
Sinabi rin ni GM Robles na labis nang naaapektuhan ang pamumuhay at seguridad ng kanyang pamilya ang halos araw-araw na paninira, panghaharas at pagpapakalat ng kasinungalingan ni Maharlika sa pamamagitan ng kanyang vlog.
Kabilang na akusasyon umano ni Maharlika kay Robles ang pagnanakaw ng pera sa taumbayan, mastermind sa tangkang pagpatay sa kaniya at pag suporta sa terorista.
Iginiit ni GM Robles na lubhang personal na ang pag-atake sa kaniya ng nasabling vlogger at yung iba ay hindi na konektado sa kanyang trabaho, bukod pa rito na nalalagay na rin sa panganib ang buhay ng kanyang pamilya.
Titiyakin aniya na na mananagot sa batas si Maharlika o Claire Contreras lalo na at walang batayan ang mga alegasyon laban sa kanya.
Ang kasong defamation at invasion of privacy laban kay Maharlika ay inihain ni GM Robles noong July 15, 2024 sa Court of California kung saan kanyang hiniling na isalang si Maharlika sa trial by the jury.