DAVAO CITY – Nasa kustodiya na ng Mawab Municipal Police Station ang isang prankster at ang kakuntsaba na kasamahan nito na napapabalitang gumawa ng prank video sa isang gasolinahan sa Barangay Poblacion, Mawab, Davao de Oro.
Kinilala ng Police Regional Office 11 ang mga nasasangkot na sina Jonel C. Cordero, 29 anyos, resident ng Barangay Andili; at ang kasamahan niyang si Arnold O. Rabi, 32 anyos, taga-Barangay Nueva Visayas, Mawab, Davao de Oro.
Ayon sa ulat ng PRO XII, nitong Enero 18, gumawa ng video content ang vlogger na si Jonel na isang gasoline prank sa isang gasolinahan pasado alas-dos ng hapon.
Bumili ng gasolina ang nasabing vlogger na isinilid sa isang maliit na bote ng softdrinks at diumano’y walang pakundangang nilagok ang gasolina ng naturang vlogger, na ikinaalarma ng mga staff ng gasolinahan.
Nagmadaling humingi ng tulong ang mga staff ng gasoline station sa Mawab MDRRMO at naabutan pa ng rescue team ang vlogger na nagduduwal ngunit nagkukunwaring may pinagdaraanang problema.
Ngunit nang naitanong ng isa sa mga myembro ng disaster team kung kailangan ba ng vlogger ang tulong medikal, agad siyang nagpakawalan ng pagbawi at pabirong inamin na isa lamang itong “prank.”
Napag-alaman din na isang energy drink pala ang ininom ni Cordero.
Ikinadismaya ng Mawab MDRRMO ang ginawang prank ni Cordero na naituturing paglabag sa House Bill 3851 o Act Penalizing Prank Callers to Emergency Hotlines.
Kumalat rin sa social media ang naturang prank na umani ng reaksyon. Habang nakapiit sa kulungan ang dalawang nasasangkot, kaagad namang nakausap ng mismong Mayor ng Mawab na si Mayor Ruperto Gonzaga III ang mga content creators na kakasuhan ng Alarms and Scandal.