-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Personal na dumulog sa himpilan ng Bombo Radyo Koronadal ang mani vendor na si Allan Amorio na residente ng Polomolok, South Cotabato upang magpaliwanag at linisin ang kanyang pangalan matapos na napagkamalan at tinukoy ni Mayor Bernie Palencia na kumuha ng video sa alkalde noong may isinagawang aktibidad sa municipal gym bago pa man nabaril ang executive assistant nito.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Amorio, nagbebenta siya ng mani at kumukuha ng video upang may maipost sa page nito bilang isang vlogger nang makita siya ng opisyal na nagvi-video nang araw na iyon.

Ipinaliwanag din nito na wala siyang masamang hangarin laban sa opisyal kundi ang kuhang niyang video ay para lamang gawing “content” sa page nito.

Ayon pa kay Amorio, nais niya na makausap ng personal ang alkalde upang malinis din ang kanyang pangalan at hindi na matatakot sa seguridad nila na mga mani vendor.

Samantala, natukoy na umano ng Polomolok PNP ang mga suspek sa pamamaril kay Rhyolite Balili na nagpapagaling ngayon sa ospital.

Sinabi ni Police Lt. Col. Joseph Forro, hepe ng Polomolok PNP, grupo ng gun-for-hire ang responsable sa krimen ngunit tumanggi muna ito na maipalabas sa publiko upang hindi maapektuhan ang kanilang ginagawang imbestigasyon.

Patuloy pa rin ang pagtipon ng mga ebedensiya maliban sa hawak na CCTV footage ng pulisya.

Matatandaan na inihayag ni Mayor Palencia na magbibigay siya ng reward money na P500,000 sa mga informants na makapagtuturo sa mga suspek sa pamamaril sa kanyang executive assistance.

Malaki din ang paniniwala ng alkalde na siya ang target ng mga suspek sa pamamaril.

Sa ngayon, mahigpit na ipinagbabawal ang pagsusuot ng helmet sa lugar at bawal din ang pagbitbit ng baril sa loob ng munisipyo.