Kinumpirma ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Jaime Santiago ang pag-aresto sa isang vlogger sa Cebu dahil sa pagpapakalat ng fake news na pinapalabas na itinutulak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang paggawa ng batas para gawing legal ang droga sa ating bansa.
Ipinakita ng NBI chief ang orihinal na post ng News5 at altered post na naglalaman ng naging pahayag noon ng Pangulo sa isang campaign rally.
Base sa NBI-Central Visayas Regional Office, habang nagsasagawa sila ng cyber patrolling, nakita nila ang isang vlogger na nagpost nG altered at may caption pa na “legal na daw ang droga, grabe ka naman Marcos”.
Kaugnay nito, ayon kay NBI chief Santiago, agad na inaksyunan ito ng NBI-Central Visayas Regional Office at nagsagawa ng operasyon at naaresto ang vlogger na si Wendolyn Apduhan Magalso.
Emosyonal namang ipinaliwanag ng content creator na nagawa niya lamang ito para mapansin at kumita para matulungan ang kaniyang asawa na mag-isang nagtataguyod sa kanilang mag-ina. Subalit sinabi nito na maliit lamang ang kaniyang kinikita dito.
Maiyak-iyak naman itong humingi ng tawad kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Maliban dito, sinabi ng NBI chief na sinimulan na rin nila ang imbestigasyon sa iba pang vloggers.
Inihayag din ng opisyal na seryosong gumagawa ng kaukulang mga hakbang ang bureau para malabanan ang pagkalat ng fake news.
Hinikayat din ng NBI chief ang publiko na i-fact check muna ang mga impormasyon sa social media at nagbabala na isang criminal offense ang pagpapakalat ng maling impormasyon.
Nahaharap naman ang suspek sa mga kaso sa ilalim ng Article 152 ng Revised Penal Code, in relation to the Cybercrime Prevention Act of 2012. Sakaling ma-convict, ayon kay Dir. Santiago maaaring makulong ng 6 na buwan hanggang 6 na taon at multang aabot sa P200,000.
Ang pagkakaaresto naman ng NBI sa naturang vlogger ay sa gitna ng ginagawang pagdinig ng House Tri-Committee sa fake news at cybercrimes kung saan ipinatawag ngayong araw ang mga sangkot na vlogger sa pagpapakalat ng mga hindi beripikado at impormasyong nakabatay sa opinyon lamang.
Kabilang sa mga vlogger na dumalo sa pagdinig sa House ay sina dating PCO Secretary Trixie Cruz-Angeles, Krizette Laureta Chu, Mary Jane Quiambao Reyes, Richard Mata, Mark Gamboa, Mark Lopez, Ethel Pineda Garcia, at Elizabeth Joey Cruz.