-- Advertisements --

Napilitang humingi ng paumanhin sa mga mambabatas sina Krizette Laureta Chu, na nagpakilalang editor ng Manila Bulletin, gayundin sina Mary Jane Quiambao Reyes at Mark Lopez, sa ginanap na Tri-Comm hearing noong Biyernes sa Kamara de Representantes.

Ginisa ng House Tri-Committee ang ilang pro-Duterte vloggers at influencers, kabilang ang isang editor ng Manila Bulletin kaugnay ng kanilang mga ipinost sa social media kahit na hindi berepikado ang mga detalye at posibleng pinaniwalaan ng iba.

Sa nasabing pagdinig, sinita ni Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante, chairman ng House Committee on Human Rights, ang si Chu dahil sa kanyang social media posts na may mapanlinlang at hindi beripikadong impormasyon.

Inobliga ni Abante si Chu na humingi ng paumanhin matapos nitong amining ang kanyang mga pahayag ay batay lamang sa mga ulat ng balita nang walang sapat na dokumentong patunay.

Sa una, sinubukan ni Chu na ipagtanggol ang kanyang post bilang opinyon, ngunit sa huli ay umatras at umamin. “I will apologize, Mr. Chair, for my bad words. I apologize for saying ‘tanga’ in my post,” pahayag nito.

Samantala, kinuwestiyon din ni Abang Lingkod Party-list Rep. Stephen Joseph “Caraps” Paduano ang vlogger na si Quiambao-Reyes tungkol sa kanyang pahayag na ang extrajudicial killings (EJKs) ay isang panloloko.

Nang tanungin kung may hawak siyang anumang dokumento o ebidensya upang patunayan ito, direkta niyang inamin na wala.

Nang tanungin ang influencer na si Lopez tungkol sa kanyang mga post sa social media na may kaugnayan sa South China Sea, inamin ni Lopez na nagkalat siya ng maling impormasyon.

Samantala, kinuwestiyon din ni House Committee on Overseas Workers Affairs Chairman Jude Acidre ng Tingog Party-list si Chu kaugnay ng isang post niya sa Facebook kung saan sinabi niyang maraming pulis ang nagbitiw mula nang arestuhin si dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Tinanong rin ni Acidre, na siya ring Assistant Majority Leader sa Kamara, ang pinagmulan ng impormasyon ni Chu, at inamin niyang base ito sa hindi na-verify na mga post sa TikTok.

Iginiit ni Chu na ginamit niya ang salitang “daw” upang ipakita na hindi siya tiyak sa kanyang pahayag.

Ngunit tumutol si Acidre at sinabi na ang mga lehitimong mamamahayag ay hindi nagba-base sa “general impressions” at may tungkulin silang tiyakin ang kanilang impormasyon bago ito ipalabas.

Nagbabala naman si Acidre na ang pagpapakalat ng hindi berepikadong impormasyon, lalo na tungkol sa mga isyu ng pagpapatupad ng batas at pambansang seguridad, ay maaaring magdulot ng matinding epekto sa bansa.