Patuloy ang babala ng Philippine Institue of Volcanology and Seismology sa publiko laban sa naobserbahang vog mula sa bulkang Taal sa Batangas.
Ito ay sa gitna ng patuloy na degassing activity ng bulkan na nagresulta sa mausok na kondisyon sa mga karatig na komunidad dulot ng volcanic smog o vog na nagbunsod ng suspensiyon ng mga klase ngayong araw ng Lunes.
Batay sa monitoring ng ahensiya sa nakalipas na 24 oras, nagbuga ang bulkan ng 3,355 tonelada kada araw ng asupre simula noong Agosto 15.
Ayon sa ahensiya, maaaring magdulot ng iritasyon sa mata, lalamunan at respiratory tract lalo na sa mga may pre-existing health conditions gaya ng asthma, sakit sa baga at puso gayundin sa mga matatanda, buntis at bata ang matagal na pagkakalantad sa asupre mula sa bulkan.
Kaugnay nito, pinapayuhan ang mga nasa komunidad na iwasan muna ang mga aktibidad sa labas ng bahay, kung maaari ay manatili na lamang indoors at isara ang pintuan at mga bintana para hindi makapasok ang vog.
Inaabisuhan din ang mga residente na apektado ng vog na magsuot ng facemask, uminom ng maraming tubig para mabawasan ang anumang iritasyon sa lalamunan.
Gayundin, pinapayuhan ang vulnerable sector na magpakonsulta sa doktor o barangay health unit kung kinakailangan lalo na kung seryoso na ang epekto nito sa kalusugan.