-- Advertisements --

Bahagyang tumaas ang asupreng ibinuga ng bulkang Kanlaon, batay sa monitoring ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Ayon kay Phivolcs Director, Dr. Tererito Bacolcol, sa nakalipas na 24-oras ay naitala ng monitoring station ng ahensiya ang hanggang sa 4,121 tonelada ng asupreng ibinuga ng bulkan.

Malayong mas mataas ito kumpara sa sinundang report na aabot lamang sa 1,669 tonelada ng asupre.

Maging ang mga naitalang volcanic earthquake sa naturang bulkan ay tumaas din sa huling reporting period ng ahensiya.

Umabot kasi ito sa 31 habang labing-siyam lamang ang naitala sa sinundan nitong reporting period.

Ayon kay Dr. Bacolcol, normal na nangyayari ito sa bulkan, kasunod ng mga naitalang pagsabog.

Bahagi din ito aniya ng mga nakapaloob sa ilalim ng Alert Level 3 o magmatic unrest, isa sa mga patuloy na binabantayan ng naturang ahensiya.