Tumaas ang kabuuang volume ng karne ng manok na inangkat ng Pilipinas sa unang sampung buwan ng 2023.
Ito ay batay sa datos na inilabas ng Bureau of Animal Industry (BAI).
Umabot sa 359.2 million kg ang inangkat na karne ng manok sa unang sampung buwan ng 2023 habang 327.68 million kg lamang ang inangkat noong 2022.
Ito ay katumbas ng 9.62% na pag-angat.
Sa kabuuang importasyon ng karne sa bansa, ang karne ng manok ang pangalawa sa may pinakamalaking bulto. Ito ay katumbas ng 35.2%.
Naitala rin ang labis na pagtaas ng bulto ng inangkat na karne ng pato sa unang sampung buwan ng 2023.
Mula kasi sa dating 78,796 kg na inangkat noong unang sampung buwan ng 2022 ay nakapag-angkat ang Pilipinas ng hanggang 252,783 kg ngayong 2023. Ito ay katumbas ng 220.8% na pagtaas.
Sa kabila nito, naitala naman ang pagbaba ng volume ng karne ng pabo na inangkat ng bansa sa kaparehong period. Umabot ito ng 5.53% na pagbaba o katumbas ng 392,170 kg mula sa dating 416,218 kg.
Nananatili pa rin ang Brazil bilang pinakamalaking supplier ng karne sa Pilipinas.