Lumagpas na sa 400,000 litro ng langis ang nakolekta ng salvor team mula sa lumubog na MT Terra Nova mula nang simulan ang siphoning operations noong Aug 19.
Batay sa datos ng salvor team, nagawa nitong makapag-ahon ng hanggang 101,603 litro ng langis mula sa lumubog na tanker kahapon, Aug 25.
Mula noong Agosto-19, mayroon nang kabuuang 402,042 litro ng langis na nai-ahon mula sa lumubog na tanker.
Batay sa average, nagagawa na ng salvor team na makapag-sipsip ng hanggang 13,614 litro ng langis kada oras, malayong-malayo kumpara sa inisyal na speed noong day 1 ng siphoning operations.
Samantala, tiniyak naman ng PCG na nababantayan pa rin ang pagtagas ng langis sa karagatan, kasama na ang mga naoobserbahang oil sheen sa ground zero.
Ayon sa PCG, dalawa sa mga barko nito ang nagbabantay at nag momonitor dito, kabilang ang BRP Sindangan (MRRV-4407) at BRP Malamawi (FPB-2403).
Una nang sinabi ng PCG na maaaring abutin pa ng dalawang linggo o higit pa bago tuluyang maiahon lahat ng 1.4 million litro ng langis na karga-karga ng lumubog na tanker.