-- Advertisements --

ILOILO CITY – Hinimok ng Office of Civil Defense ang mga nakatira sa landslide prone areas na mag-evacuate dahil sa Bagyong Tisoy.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Office of Civil Defense Region 6 Director Jose Roberto Nuñez, sinabi nito na ang landslide ay dulot ng malakas na ulan.

Ayon kay Nuñez, dapat pagtuunan ng pansin ang seguridad kay sa mga materyal na bagay kagaya ng bahay at iba pang ari-arian.

Inihayag ni Nuñez na target ng ahensya ang zero casualty kung kaya’t inabisuhan na ang lahat ng Local Government Unit na maghanda ng contingency plan.

Sa data ng Mines and Geo Sciences Bureau, 5 bayan sa Guimaras at 10 bayan sa Aklan, Antique, Capiz at Iloilo ang landslide prone.

Napag-alaman na ngayong araw, isinailalim na sa blue alert ang buong rehiyon dahil sa epekto ng Bagyong Tisoy kung saan kanselado na rin ang ilang byahe ng sasakyang pandagat.