COTABATO CITY – Maliban sa mga nakasanayan na nating pulitiko at mga inaasahang ahensya de gobyerno, may mga boluntaryo pa ring umuusbong sa oras ng kagipitan at pangangailangan.
Sa anumang panahon, sinapit at kinasapitan ng ating mga kababayan, nananatili pa rin ang Bayanihan sa Bayan ni Juan dela Cruz, ang Pilipinas.
Ito ay dahil sa namahagi kahapon, Nobyembre 3,2022 sa mga pitumput dalawa (72) na pamilya na nasalanta ng Bagyong Paeng ng hygiene kits at mga non food items ang grupong Positive Vibes o Volunteers Initiatives in Bridging and Empowering Society sa Sitio Maninggula, Datu Blah Sinsuat sa lalawigan ng Maguindanao del Norte.
Sa naging kwento ng isa sa mga nakatira sa sitio na si Bernadeth Binayog Mission, isang traumatiko at nakakapanlumong karanasan ang naranasan nilang biglaang baha at landslide na ikinasira ng mga kabahayan at naningil ng buhay ng kanilang mga mahal sa buhay.
Ayon naman ke 1st. Lt. Kenneth Gabucay ng Philippine Marines, para makapunta sa sitio na ito, tanging Pumpboat lamang ang gagamitin para makapunta dito. Nangangailangan din ang bawat miyembro sa sitio ng makakain, tubig, medisina at iba pang tulong para makapagsikhay sila sa mga susunod na panahon dahil sa ang kanilang daanan ay nablokehan pa ng mga bato at nagkalat na mga debris dahil sa Bagyong Paeng.
Ayon naman ke Sitio Maninggula Kagawad Abusama Abdullah, lubos nilang pinasasalamatan ang tulong na ipinaabot ng volunteer groups na kagaya ng Positive Vibes sapagkat ito ang tanging paraan para makapamuhay sila ng normal sa gitna ng di nila napaghandaang situwasyon at kalamidad.
Ang Project Tinabangay Hashtag PaengPH ay isang donation drive na para sa mga nakaligtas sa hambalos ng Bagyong Paeng kasama ng E Learning Wheels at sa pakikipagtulungan din ng Bangsamoro Youth Comission.
Ika nga nila, “Every Seed of kindness, no matter how small or big it is, really counts.”