-- Advertisements --

LEGAZPI CITY- Ibinahagi ng isang volunteer mountaineer sa Bombo Radyo Legazpi ang hirap na pinag-aadanan ng mga ito sa isinagawang search and rescue at retrieval operations sa mga sakay ng bumagsak na Cessna 340A plane sa dalisdis ng bulkang Mayon.

Ayon kay Michael Brizuela, masaya siya na maging bahagi ng misyon ngunit aminado na hindi madali ang kanilang naging trabaho.

Sa halos dalawang linggo kasi na pag-akyat-baba sa naturang aktibong bulkan ay iniisip din aniya ang panganib para sa kanilang buhay.

Dagdag pa nito na isa sa mga pinaka hadlang sa kanilang misyon ay ang pabago-bagong panahon na naranasan sa lalawigan sa nakalipas na mga linggo.

Kwento ni Brizuela na habang nasa itaas sila ng Bulkang Mayon ay madalas na maranasan ang zero visibility kaya isang maling galaw lamang ay posibleng maging mitsa ng kanilang buhay.

Nabatid rin na ilang ulit silang umakyat sa naturang bulkan subalit napipilitang bumaba matapos maubusan ng pagkain at inuming tubig dahil hindi makapagbaba ng supply ang Tactical Operations Group dahil sa masamang lagay ng panahon, na isa pa sa mga nakapagdulot ng delay sa kanilang misyon.

Samantala, kasunod ng kanilang kabayanihan ay nakatakdang bigyan ng pagkilala ng lokal na pamahalaan ng Camalig ang lahat ng magigiting na rescuers at volunteers sa darating na Lunes.