Binigyan ng pagkilala ni Philippine Red Cross (PRC) chairman Sen. Richard Gordon ang libu-libong volunteers na katuwang nila sa rescue, relief at blood donation projects.
Ginawa ni Gordon ang pahayag sa panayam ng Bombo Radyo, kasabay ng pagdiriwang ng PRC ng ika-72 anibersaryo.
Matatandaang naitatag sa Pilipinas ang local Red Cross noong Abril 15, 1947.
Ayon sa senador, volunteers talaga ang lakas ng kanilang grupo at ang mga indibidwal, pati na ang mga organisasyon na nagtitiwala sa kanilang kapasidad.
Isa aniya sa talagang kaagapay nila mula pa noon ay ang Bombo Radyo Philippines, lalo na sa bloodletting programs.
Ang Bombo Radyo kasi ang itinuturing ng PRC na nangungunang kompaniya na kaagapay sa paglikom ng dugo sa pamamagitan ng taunang “Dugong Bombo” tuwing buwan ng Nobyembre.
Sa mga nakalipas na taon, umaabot sa 18 drums o katumbas ng halos four million cc ng dugo ang regular na nakakalap ng Dugong Bombo mula sa 24 key cities.
“Ang Bombo Radyo ay magiting na istasyon at talagang may corporate social responsibility. Nakakakalap kami ng dugo dahil sa mga tulong ninyo,” pahayag ni Gordon sa panayam ng Bombo Radyo.