-- Advertisements --

Binigyan diin ni Comelec spokesperson James Jimenez na election offence ang vote buying anuman ang financial situation o marangal ang intensyon sa likod nito.

Sa isang tweet, iginiit ni Jimenez ang kanyang pagtutol sa suhestiyon na tumanggap ng pera na galing sa vote buying pero bumoto ayon sa konsensiya.

Hindi aniya dapat ito ginagawa, at lalong-lalo nang imungkahi pa sa mga botante.

Ang paalalang ito ni Jimenez ay kasunod na rin nang pahayag kamakailan ni Vice President Leni Robredo na tanggapin lamang ng mga botante ang perang ibinabahagi ng mga politiko pero bumoto ng ayon sa konsensya.

Pero iginiit ni Robredo, na tatakbo sa pagkapangulo sa 2022 polls, na maituturing pa rin na illegal act ang vote buying.

“Parati kong sinasabi, ‘Tanggapin niyo kasi galing din naman iyan sa atin. Iyong pinambibili ng boto, pera din iyan ng taumbayan. Tatanggapin mo pero ang iboboto mo kung sino iyong nasa konsensya mo,” ani Robredo.