-- Advertisements --
House of Rep
House of Rep/ FB post

Inamin ni dating House Speaker at re-elected Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez na nagsimula ng mamili ng boto ang ilang kongresista na nagnanais masungkit ang trono bilang susunod na lider ng Kamara sa 18th Congress.

Sa isang panayam ibinunyag ni Alvarez ang umano’y text message mula sa tanggapan ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco kung saan iniimbitahan daw nito ang mga kapwa mambabatas sa isang pribadong meeting.

“This is Lori Gascusan from the Office of Cong Lord Allan Velasco.May we invite you next week May 27(Monday) at Unit 3601, Robinsons Equita le Tower ADB Ave Corner P. Poveda St, Ortigas Center, Pasig City between 11am-6pm. Important matters will be discussed,” nakasaad sa nasabing text message.

Dagdag pa ni Alvarez, may nakalaan ng tig-P1 milyon si Velasco para sa bawat kongresista na boboto sa kanya bilang House Speaker. Galing umano ang pondo mula sa negosyanteng si Ramon Ang na kilalang malapit sa aspiring House leader.

Matagal ng umuugong ang pangalan ng Marinduque congressman bilang susunod na House Speaker dahil malapit umano itong kaibigan ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.

Pero sa kabila nito, tikom pa ang hanay ni Velasco hinggil sa akusasyon ni Alvarez na plano ring tumakbo sa dating pwesto.

Bukod kina Velasco at Alvarez, nagpahayag na rin ng kanilang interes sa pagtakbo bilang pinuno ng mababang kapulungan sina Leyte Rep. Martin Romualdez, Taguig Rep. Alan Peter Cayetano at Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, Jr.