-- Advertisements --

TACLOBAN CITY – Binigyang diin ng re-elected Leyte 3rd District representative na si Cong. Vicente Ching Veloso na walang katotohanan ang ibinunyag ni Davao Del Norte Representative Pantaleon Alvarez tungkol sa diumano’y pamimili ng boto ng ilang kongresista na nagnanais na maging susunod ng lider ng Kamara sa 18th Congress.

Una nito, ibinunyag ni Alvarez ang umano’y text message mula sa tanggapan ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco na iniimbitahan nito ang ilang mambabatas sa isang pribadong meeting kung saan may nakalaan diumanong tig-P1 milyon si Velasco para sa bawat kongresistang boboto sa kanya bilang House Speaker.

Ayon naman kay Cong. Veloso, hindi siya kumbinsido sa naturang pahayag ni Alvarez dahil naniniwala siyang walang saysay ang vote buying ng mga aspirants sa Speakership race kung hindi naman sila suportado ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa ngayon ay mas nakatutok sila sa kung sino ang natutunog na manok o gusto ng pangulo na maging susunod na House Speaker.