Muling pinaalalahanan ng Commission on Elections (Comelec) ang publiko na bukod sa mga kandidato ay mananagot din ang mga botante na magbebenta ng kanilang mga boto o masasangkot sa vote buying.
Ipinaliwanag ito ni Commissioner George Erwin Garcia matapos ang napabalitang pagkalat ng video na umano’y cash distribution sa loob ng isang envelope na naganap sa isang campaign event ni presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Macos Jr.
Binigyang-diin din ng commissioner ang mga katagang “walang vote buying kung walang vote selling”.
Aniya, ang anumang pangako o alok na magbigay ng anumang malaking konsiderasyon bilang kapalit ng isang boto ay maaari nang ituring na vote-buying kahit na tanggihan man ito ng taong tatanggap.
Samantala, sinabi rin ni Commissioner Garcia na maaaksyunan lamang ng Comelec ang mga alegasyon ng vote buying kung mayroong magsasampa ng reklamo ukol dito.
Nakasaad sa Election Code na sinumang taong mapatunayang guilty sa anumang election offense ay mahaharap sa pagkakakulong ng hindi bababa sa isang taon, ngunit hindi hihigit sa anim na taon at hindi dapat na sumailalim sa probation.