Inanunsiyo ng Commission on Elections (Comelec) na magpapatuloy na ang voter registration sa Pebrero 12 mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng gabi kabilang ang araw ng Sabado at holidays na magtatagal hanggang sa Setyembre 30 ng kasalukuyang taon.
Ayon pa sa Comelec, isasagawa ang voter registration maliban na lamang sa Semana Santa o mula Marso 28, 29 at 30.
Dapat na makumpleto ng mga registrant ang isang kopya ng application form na libreng makukuha mula sa Office of the Election Officer o maaaring i-download mula sa website ng poll body na www.comelec.gov.ph at iimprinta sa long bond paper.
Ayon pa sa Comelec ang mga Persons with Disability (PWDs), Senior Citizens (SCs), miyembro ng Indigenous People (IPs) o Indigenous Cultural Communities (ICCs), at Persons Deprived of Liberty (PDLs) ay maaari ding mag-update ng kanilang record gamit ang Supplementary Data Form.
Ang mga aplikasyon ay dapat na personal na ihain sa OEO kung saan nakatira ang nagpaparehistro.
Samantala, magsasagawa rin ang poll body ng Register Anywhere Program (RAP) sa lahat ng capital cities, bayan at highly urbanized cities (HUCs) sa buong bansa na magtatagal naman hanggang Agosto 31, 2024.
Ang mga uri ng aplikasyon na tatanggapin sa Register Anywhere Program ay ang mga bagong nagpaparehistro, paglilipat ng registration mula sa ibang city/municipality/district, paglilipat ng registration mula overseas patungo sa local, Correction of Entries o Change of Status at Reactivation.